May ikalawang bugso pa ng sibakan sa Kongreso ng mga mambabatas na bumoto ng ‘no’ sa muling pagbabalik ng death penalty.
Ayon kay House Speaker Pantaleon Alvarez, umpisa pa lamang ang naunang pagtanggal sa puwesto ng mga kumontra sa reimposition ng death penalty kamakalawa at may mangyayari pang ‘purge’ sa pagbabalik ng sesyon ng Kongreso sa Mayo.
Paliwanag ni Alvarez, may ilang posisyon pa ang hindi naidedeklarang ‘vacant’ kaya’t kinakailangang palitan ang mga ito sa pagbabalik ng sesyon sa May 2.
Ang mga maaalis aniya sa puwesto ay papalitan ng mga kongresistang kasapi ng supermajority coalition.
Mananatili naman sa ‘supermajority’ ang mga natanggalan ng puwesto.
Gayunman, kung magre-resign aniya ang mga ito sa supermajority coalition, ay kanila itong papayagan dagdag pa ng House Speaker.
Giit pa ni Alvarez, kinakailangang makibahagi at sumuporta ng mga miyembro sa mga panukalang isinusulong ng kowalisyon at kung hindi, ay asahan na aniya ng mga ito na sila’y matanggalan ng leadership at committee chairmanship.