Malabo nang matuloy ang pagbisita sa bansa ni United Nations special rapporteur Agnes Callamard para mag- imbestiga sa umano’y nagaganap na extra judicial killings bunsod ng pinaigting na kampanya sa illegal na droga ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa pulong balitaan sa Malacañang, sinabi ni Foreign Affairs Spokesman Charles Jose na ito ay dahil sa hindi pumapayag si Callamard sa mga kondisyon na una nang inilatag ni Duterte.
Matatandaang sinabi ng pangulo na papayag lamang siya na imbestigahan ni Callamard kung mabibigyan din siya ng pagkakataong matanong ang panauhin.
Halimbawa na lamang ayon sa pangulo, tatanungin niya si Calllamard kung ano ang pangalan ng ikalimang biktima sa EJK at kung saan at kailan pinatay ang biktima.
Kapag hindi aniya nasagot ni Callamard ang kanyang mga tanong ay mas makabubuting lumayas na lamang siya sa bansa.
Ayon kay Jose, sa ngayon hindi pa rin nababago ang mga kondisyon ng pangulo.
Ipinaliwanag rin ni Jose na patuloy pa naman ang diskusyon sa Geneva kaugnay sa naturang isyu.