Ayon kay Justice Sec. Vitaliano Aguirre II, nagbigay ang civil society leader na si Pastor Boy Saycon sa DOJ ng mga dokumentong naglalaman ng mga resibo at kontrata na mga ebidensya umano sa katiwalian sa Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR).
Bukod aniya dito, may mga nakasaad din dito tungkol sa mga campaign contributions na umano’y hindi idineklara ng ilang mga kandidato sa nagdaang halalan noong 2016 sa kanilang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE).
May mga koneksyon din aniya ang mga dokumentong ito sa sugalan, sa Cavite Export Zone Authority (CEZA) at maging sa Commission on Elections (COMELEC).
Matagal na aniyang hawak ni Boy Saycon ang mga nasabing dokumento, ngunit tinantya muna niya kung mapagkakatiwalaan ba niya ang kasalukuyang administrasyon bago niya ito ibinigay sa mga otoridad.
Tumanggi na si Aguirre na magbigay pa ng iba pang detalye tungkol sa mga dokumento, ngunit sinabi niyang daan-daang milyon piso ang nasangkot dito.
Sa ngayon aniya, kailangan niya pang busisiin at pag-aralan ang mga dokumentong ito dahil hindi niya pa ito lubusang nababasa.
Si Saycon ang Secretary-General ng civil society group na Council of Philippine Affairs (COPA).