Pinal ng ibinasura ng Supreme Court ang petisyon ng Gabriela Women’s Party na iproklama ang ikatlo nilang kinatawan sa Kamara para sa 17th Congress.
Ayon kay Atty. Theodore Te, tagapagsalita ng S.C hindi pinagbigyan ang motion for reconsideration ng Gabriela dahil sa kawalan ng merito.
Base sa resolusyon ng korte, ibinasura nito ang petisyon ng grupo noong Hulyo ng nakalipas na taon dahil sa forum shopping.
Sinabi ng korte na inabuso ng Gabriela ang court process nang maghain ito ng petisyon sa SC gayong hindi pa napapagpasyahan ng Commission on Elections ang apila nito sa resulta ng May 2016 elections.
Ayon pa sa korte hindi inilagay ng Gabriela sa kanilang verification and certification of non-forum shopping na ang kanilang Omnibus Motion ay nananatiling pending sa Comelec.
Ang kabiguan daw ng Gabriela na sumunod sa rule ukol sa non-forum shopping ay sapat na dahilan upang ibasura ang petisyon.
Sa kanilang petisyon nais ng Gabriela na pag-aralan at baliktarin ng SC ang naging resolusyon ng National Board of Canvassers Resolution na nagdedeklara na dalawang upuan lamang ang grupo sa party list elections.