Moratorium sa pag-aalaga ng tilapia sa Lake Sebu, ipinatupad na

 

Inquirer file photo

Ayon kay Lake Sebu Mayor Antonio Fungan, sa pamamagitan ng nasabing moratorium, mabibigyan sila ng pagkakataon na makabwelo sa polusyong idinulot ng malakihang produksyon ng isda sa 350-hectare na lawa.

Nasa 5,000 fish cages ang nasa Lake Sebu na pag-aari ng 460 na operators.

Nagdulot ng polusyon sa lawa ang pagpapalaki ng mga tilapia dahil sa mga ginagamit na fish feed na lumulubog sa ilalim nito at nabubulok.

Noong Huwebes lamang ay lumutang ang 7,000 kilo ng tilapia sa lawa dahil sa kakulangan ng oxygen, at ito na ang ikalawang fish kill sa loob lamang ng halos isang buwan.

Naniniwala si Fungan na ang overpopulation ng mga isda at pag-abuso ng mga fish cultivators sa lawa ang dahilan ng pinakahuling insidente.

Aniya, ang nasabing moratorium ay makakatulong na paghilumin muna ang lawa.

Gayunman, nangangahulugan din ito na mahihinto ang multi-milyong pisong halaga ng industriya ng tilapia sa kanilang bayan, na makakaapekto din sa supply ng tilapia.

Ang Lake Sebu kasi ang pinakamalaking supplier ng tilapia sa Central Mindanao, at ang mga ani dito ay ipinapadala din sa Metro Manila.

 

Read more...