2 pag-atake ng NPA, naitala matapos ianunsyo ang pagbabalik ng peace talks

CPP-NPAIsang araw lang matapos ianunsyo ng mga peace negotiators ng pamahalaan at ng komunistang grupo, nagsagawa ng dalawang magkahiwalay na pag-atake ang New People’s Army (NPA) sa Luzon at Mindanao.

Sinunog ng mga hinihinalang miyembro ng NPA ang isang Yellow Bus na biyaheng Davao sa Makilala, North Cotabato kahapon.

Ayon kay Supt. Roneo Galgo ng Central Mindanao police, pinara ng mga miyembro ng NPA ang bus sa Brgy. San Vicente sa naturang bayan, Lunes ng umaga.

Kwento ng bus driver na si Victor Serondo, umakyat ang anim na rebelde sa bus at inatasan siyang imaneho ito papuntang Sitio Bagong Silang, at dalhin ito sa liblib na lugar.

Pinababa naman siya ng mga rebelde pati na ang mga pasahero ng bus kaya walang ni isang nasaktan sa kanila.

Tinukoy ni Galgo ang mga gumawa nito bilang bahagi ng Guerilla Front 72 ng NPA na nakatalaga sa Makilala at Bansalan, Davao Del Sur.

Samantala, limang pulis naman ang sugatan sa pananambang ng isang grupo ng NPA laban sa convoy ni Abra police director Seniro Supt. Alexander Tagum sa bayan ng Malibcong.

Mayroon sanang bibisitahing police station ang grupo ni Tagum, Linggo ng gabi nang bigla silang atakihin ng mga guerilla.

Sa kabutihang palad ay hindi naman nasaktan si Tagum na may kasamang platoon ng mga pulis nang tambangan sila sa Sitio Aguibo sa Barangay Poblacion.

Nakilala ang mga pulis na nasugatan na sina PO2 Jessie Trinidad, PO1 Marlon dela Paz, PO1 Gerome Baldos, PO1 Kennon Sanggoy at PO1 Von Harold Layao, matapos hagisan ng pampasabog ang kanilang sasakyan na sinundan ng mga putok ng baril.

Sa kabila ng mga nasabing pag-atake, wala pa ring masasabing ginawang paglabag ang mga ito sa anumang ceasefire agreement sa pagitan ng pamahalaan at ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP), dahil wala pa naman silang ipinapatupad na ceasefire sa ngayon.

Nakatakda namang muling magpulong ang dalawang panig sa Oslo, Norway sa April 2 hanggang 7 para sa susunod na round ng peace talks.

Read more...