Tatlong manggagawa ng Department of Public Works and Highways ang nasaktan makaraang mawalan ng kontrol ang isang “pison” ng kagawaran habang nagre-repair ng sirang lansangan sa Nagtahan flyover sa Maynila Martes ng hapon.
Bigla na lang tumagilid sa northbound lane ng Nagtahan flyover ang naturang pison na may kargang alkitran (o tar na ginagamit sa aspalto) makaraang pumutok ang gulong nito sa likuran at mawalan ng kontrol ang driver nito.
Dahil dito, isinugod sa Ospital ng Sampaloc ang 3 manggagawa na sakay ng pison.
Dalawa sa mga ito ang na-discharge agad dahil minor injuries lang ang tinamo habang ang isa ay kinailangang ilipat sa mas malaking ospital dahil hinihinalang nabalian ito ng buto.
Ang naturang pison ay karaniwang may apat na gulong sa likuran samantalang may bakal itong roller sa harapan na siyang ginagamit sa paglapat ng aspalto sa mga ginagawang lansangan./ Ricky Brozas