Comelec, wala ng balak i-extend ang campaign period para sa 2016 elections

comelec logo

Hindi na ipupurisige pa ng Commission on Elections ang plano nito na palawigin ang campaign period para sa Eleksyon 2016.

Ayon kay Commissioner Christian Robert Lim, salig na rin ito sa rekomendasyon ng Comelec Law Department.

Wala raw kasing kapangyarihan ang Comelec na iurong o baguhin ang panahon ng pangangampanya.

Nauna nang binalak ng Comelec na palawigin ng hanggang 120 araw ang campaign period para sa 2016 elections.

Sa plano ng Comelec, ang campaign period ay iminungkahing simulan sa January 10, 2016 para sa mga kandidato sa pagka-pangulo, bise presidente, senador, party list group, pagka-kongresista, at maging sa mga kumakandidato sa lokal na posisyon.

Layunin sana ng panukala na mahinto na ang ‘premature campaigning’ ng mga kandidato pero inalmahan ito ng ilang eksperto sa Election law dahil ang nasabing panukala ay kinakailangan pang dumaan sa Kongreso.

Sa ilalim ng Section 3 ng Omnibus Election Code, ang mga kandidato sa pagka-presidente at bise-presidente ay may 90 araw para mangampanya, habang 45 araw naman para sa mga lokal na kandidato.

Samantala, inanunsyo naman ni Comelec Chairman Andres Bautista na mayroon na silang naaprubahang calendar of activities para sa Eleksyon 2016. / Ricky Brozas 

Read more...