Hindi maaaprubahan ng senado ang panukalang emergency powers kay Pangulong Rodrigo Duterte para masolusyunan ang problema sa trapik bago mag-break ang kongreso sa March 17.
Ayon kay Senator Grace Poe, hanggang ngayon ay hindi pa tapos ang deliberasyon dahil maraming senador ang gustong magtanong ukol sa mga probisyon ng panukala.
Pinaalalahanan na umano ni Poe ang mga kapwa senador na mawawalan ng silbi ang prinsipyo ng emergency power kung hindi ito agad maipasa.
Bilang chairperson ng senate committee on publics services, iminungkahi ng senadora ang pagpasa sa Senate Bill no. 1284 o “An act compelling the government to address the transportation and congestion crisis through the grant of emergency powers to the president.”
Inisponsoran na ni Poe ang panukala para sa plenary approval noong December 14, 2016 pero nakabinbin pa rin ito dahil nais ng ilang senador na magtanong pa sa panukala.
Pero kumpyansa pa rin si Poe na maipapasa ang bill pag-resume ng sesyon sa May 2.
Giit nito, hindi na kailangang hintayin pa ng kaukulang mga ahensya ng gobyerno ang pag-apruba sa panukala para tugunan agad ang problema sa matinding trapik.