Wala pa ring balak umalis ang mga pamilyang pilit na umokupa sa ilang mga pabahay ng gobyerno sa Pandi, Bulacan.
Ito’y sa kabila ng paalalang ibinigay sa kanila ng National Housing Authority (NHA) na kailangan na nilang kusang umalis sa loob ng pitong araw, at pagkatapos nito ay maglalabas na sila ng eviction notices.
Mula noong Sabado, isang araw matapos silang bigyan ng palugit ng gobyerno, ilang pamilya ang umalis sa mga nasabing bahay, ngunit nag-iwan naman ng kanilang mga kaanak para bantayan ang mga ito at saka bumalik kinagabihan.
Bagaman naninindigan na sila sa pag-angkin sa mga nasabing bahay, aminado ang mga pamilya na nahihirapan din sila dahil ang ibang mga bahay ay hindi pa tapos gawin, walang kuryente, tubig at palikuran.
Ayon kay Rowi Gonzales, isang ama na may apat na anak na kabilang sa mga pamilyang sumugod sa mga nasabing pabahay, pagod na rin ang pakiramdam ng kanilang pamilya dahil hindi sila makatulog nang maayos.
Aniya, sa labas lang sila natutulog dahil sobrang init sa loob ng bahay na kanilang tinutuluyan na wala pang kuryente.
Gayunman, iginiit ni Gonzales na walang ni isa sa kanila ang nagbabalak na umalis, dahil alam nilang hindi tutuparin ng NHA ang kanilang pangako at na hindi na sila makakabalik ulit doon.