Duterte, binalaan vs ‘micro-managing’ sa pamamahala sa PNP

 

Binalaan ng mga komite ng Senado na nag-imbestiga sa pagkamatay ni dating Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa sa kaniyang selda, si Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng umano’y “micromanaging” sa Philippine National Police (PNP).

Nakasaad ito sa report na inilabas ng Senate committee on public order and dangerous drugs at committee on justice and human rights tungkol sa resulta ng kanilang naging imbestigasyon sa pagkamatay ni Espinosa at kasama niya sa piitan na si Raul Yap noong November 5, 2016.

Hindi anila ito ang kahihinatnan nina Espinosa at Yap, kung natuloy ang pag-relieve ni PNP chief Director Gen. Ronald dela Rosa sa grupo ni Supt. Marvin Marcos ng Criminal Investigation and Detection Group-Region 8 (CIDG-8) noong October 15, 2016.

Binawi din kasi agad ito ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mismong araw din kung kailan ito iniutos ni Dela Rosa.

Dahil dito, sinabihan ng dalawang komite si Duterte na dapat niyang ipaubaya nang buo ang tiwala at kapangyarihan kay Dela Rosa para gawin ang kung ano sa tingin niya ang tama para sa kaniyang organisasyong pinamumunuan.

Dapat lang anilang manghimasok si Duterte oras na nagkakaroon na ng malinaw na “grave abuse of authority” sa panig ni Dela Rosa.

Samantala, pinamamadali na rin ng Senado sa Department of Justice (DOJ) ang kanilang preliminary invetigation tungkol sa pagpatay kay Espinosa, lalo’y December 7, 2016 pa lang ay may kasong multiple murder nang isinampa ang National Bureau of Investigation (NBI) laban kina Marcos.

Kung susumahin anila base sa panahong naibigay at sa “overwhelming testimonial and documentary evidence” na ipinrisinta sa preliminary invetigation, dapat ay mabilis na itong naresolbahan ng DOJ.

Nakiusap na rin ang mga komite sa Supreme Court na bilisan na rin ang pagtukoy sa mga pananagutan at magiging parusa kay Judge Carlos Arguelles dahil sa hindi nito pagtugon sa hiling ni Mayor Espinosa na mailipat sa mas ligtas na piitan; kay Judge Arcelo Sabarre Jr. at Judge Janet Cabalona ng Regional Trial Court sa Basey, Samar dahil sa paglalabas ng search warrants laban sa mga indibidwal na nakapiit sa detention facility na hindi nasasakop ng kanilang hurisdiksyon.

Read more...