Lumabas sa resulta ng imbestigasyon ng dalawang komite ng Senado na “premeditated” ang pagpatay kay dating Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa, pati na sa kapwa nito inmate na si Raul Yap sa kanilang piitan noong nakaraang taon.
Maliban dito, lumabas din na guilty ang grupo ng Criminal Investigation and Detection Group-Region 8 (CIDG-8) na pinamumunuan ni Supt. Marvin Marcos.
Ito ay base mismo sa resulta ng imbestigasyon ng committee of public order and dangerous drugs ni Sen. Panfilo Lacson at committee on justice and human rights ni Sen. Richard Gordon.
Nakasaad sa report na sinadya umano ng grupo nina Marcos na patayin si Espinosa upang pagtakpan ang kanilang pagkakasangkot sa kalakalan ng iligal na droga, pati na ang pagmamalabis sa kanilang kapangyarihan.
Mariin ding kinokondena ng mga komite ang pagpatay kina Espinosa at Yap, dahil bagaman may mga nilabag silang batas, nasa kamay pa rin dapat ng korte ang pagdedesisyon sa kanilang mga kaso.
Sa kabila rin anila ng pag-alis sa ilang karapatan ng mga detenido tulad ng right to privacy, mayroon pa rin naman silang fundamental right to life na nakasaad sa Saligang Batas.
Pinuna rin ng mga senador ang “overwhelming force” na ginamit ng mga otoridad habang nagsisilbi ng search warants kina Espinosa at Yap noong araw na iyon, dahil 18 na tauhan pa ng CIDG ang dinala ni Marcos, na may kasama pang anim na miyembro ng Regional Maritime Unit.
Hindi rin tinanggap ng mga senador ang paliwanag ni Marcos kung bakit kailangan nilang gumamit ng ganito kalakas na pwersa, lalo’t hindi naman siya nagpaalam sa kaniyang mga superiors na sina Region 8 director Chief Supt. Elmer Beltajar at CIDG Director Roel Obusan tungkol sa nasabing raid.
Nakakapagtaka rin anila na bukod sa mga tauhan ng CIDG, walang iba pang nakakita sa kung ano ang mga nangyari sa Cells at 7.
Nagbigay kabuluhan din anila sa pangyayari ang sinabi ni Kerwin Espinosa sa Senado na ang mga bumaril sa kaniyang ama na sina Chief Insp. Leo Laraga at Supt. Santi Noel Matira ay pawang kabilang sa kaniyang payola.