Matatandaang una nang sinabi ni Sen. Panfilo Lacson na maituturing nang bypassed ng CA si Lopez dahil hindi maaaksyunan ang kaniyang appointment bago mag-break ang Kongreso ngayong linggo.
Isinara na aniya ng CA committee on environment ni Sen. Manny Pacquiao ang public hearings para sa confirmation ni Lopez.
Ayon kay Lacson, mangyayari lamang ang botohan sa committee level kung papayag dito ang majority ng 17 na miyembro ng CA committee.
Dahil nasa ibang bansa naman ngayon si Lopez, pag-uusapan ng CA committee ang resulta sa botohan sa plenaryo pagdating Mayo kapag bumalik na ang Kongreso mula sa break.
Sakali aniyang reappointed si Lopez pagbalik nila sa Mayo, saka ito isusulong ng plenaryo at pag-uusapan nila ang confirmation o rejection ng kalihim.
Naniniwala naman si Lacson na malakas ang posibilidad na ma-confirm na si Lopez makaraang sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte na pabor siya sa confirmation ng kalihim kahit pa mangahulugan ito ng pagkalugi ng gobyerno ng P70 bilyong halaga ng tax mula sa mga minahan.
Noong nakaraang linggo, dalawang magkasunod na araw humarap si Lopez sa CA para sagutin ang maraming mga humaharang sa kaniyang appointment.