Ayon sa tagapagsalita ng Addis Ababa city na si Dagmawit Moges, maraming bangkay pa ang inaasahang madidiskubre sa ilalim ng basura.
Hindi pa malinaw kung ano ang naging dahilan ng matinding landslide sa Koshe Garbage Landfill, Sabado ng gabi sa Ethiopia, na naging dahilan para mailibing ang mga barong-barong na kabahayan, maging ang mga konkretong gusali.
Nasa mahigit 50 taon nang nagtatambak ng basura ang siyudad sa nasabing landfill, na naging tahanan na rin para sa maraming residente.
Tinatayang aabot sa 150 katao ang naroon nang mangyari ang landslide, at ayon kay Addis Ababa Mayor Diriba Kuma, 37 na ang nasagip at kasalukuyang nilalapatan ng lunas.
Karamihan sa mga residente malapit sa landfill ay naroon dahil sa kabuhayan na pangagalkal ng basura, habang ang iba naman ay piniling doon manirahan dahil sa mga murang paupahan.
Dahil sa insidente, nangako ang lokal na pamahalaan na mas pabibilisin na ang isinasagawa nilang resettling program para mailipat na ng tirahan ang mga residente sa paligid ng landfill.