Patay ang tagapag-alaga ng mga hayop sa isang zoo sa Japan matapos itong paluin ng ‘trunk’ ng elepanteng kanyang pinaliliguan.
Bagama’t nadala pa sa pagamutan, hindi na rin naisalba ng mga doktor ang buhay ng zookeeper na si Wichai Madee, isang Thaland national na empleyado ng Adventure World sa western prefecture ng Wakayama sanhi ng tinamo nitong pinsala sa ulo.
Ayon sa kasamahan ng biktima, kasalukuyan nilang pinaliliguan ang isang Indian elephant nang biglang iwasiwas nito ang kanyang ‘trunk’.
Dito na tinamaan ang 37-anyos na biktima na noo’y nasa harapan ng elepante kaya’t tumilapon ito at humampas ang ulo sa rehas bago tumama sa konkretong sahig.
Hinala ng ibang trainer, nairita ang elepante sa ginagawa sa kanyang pagpapaligo kaya ito nagwala at pinuntirya ang biktima.