Cesar Montano, inireklamo dahil sa iregularidad

 

Naghain ng reklamo ang mga kawani ng Tourism Promotions Board o TPB sa Presidential Action Center laban sa kanilang Chief Operating Officer na si Cesar Montano.

Nakasaad sa letter of complaint ang 24 na wrongful acts na diumano’y nagawa ni Montano, kabilang ang pagpasok sa multi-million pesos na halaga ng mga kuwestiyunableng kontrata at pagkuha ng kanyang mga sariling empleyado na ang posisyon ay redundant o kaparehas lamang sa mga kasalukuyang kawani ng tanggapan.

Isa sa mga kinuwestiyon na kontrata ay ang cash sponsorship ng TPB na nagkakahalaga ng 16.5 million pesos na ginamit umano bilang pambayad sa kumpanya na humawak sa produksyon ng rally bilang suporta kay Pangulong Duterte noong Pebrero a-25 sa Luneta.

Ang pagtitipon na iyon ay dinaluhan ng mga tao na ipinadala naman ng mga local government unit.

Isa pa umano sa cash sponsorship ng TPB ay nagkakahalaga ng 12 million pesos para naman sa konsyerto sa ibang bansa nina James Reid at Nadine Lustre.

Si Montano ay itinalaga ni Duterte noong Disyembre 2016 bilang COO ng TPB na nasa ilalim ng Department of Tourism.

Sinubukan naman ng Inquirer na kunin ang panig ni Montano pero hindi ito tumutugon.

 

Read more...