54 kongresista na bumoto kontra Death Penalty bill, nararapat na tawaging “honorable” – CBCP official

death-penalty-0517Karapat-dapat na tawaging “honorable” ang limampu’t apat na kongresista na bumoto laban sa pagpasa ng Kamara sa Death Penalty bill.

Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos, kapuri-puri ang pinairal ng limampu’t apat na mambabatas ang prinsipyo, pananalig at pagsunod sa mga turo ng simbahang katolika.

Sinabi ni Santos na kumontra ang mga naturang kongresista kahit pa ang kanilang posisyon at iba pang pribilehiyo sa Mababang Kupulungan ang manganib o mawala.

Naniniwala pa ang obispo, na siyang pinuno ng Catholic Bishops Conference of the Philippines o CBCP Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People, na ang pagboto ng ‘no’ sa Death Penalty bill ay nagpapakita na may konsensya at takot sa Diyos ang mga 54 na kongresista.

Kabilang sa mga mambabatas na bumotong kontra sa Death Penalty bill ay sina House Deputy Speaker Gloria Macapagal-Arroyo, Ilocos Norte Rep. Imelda Marcos at Lipa City Rep. Vilma Santos-Recto.

Umaasa naman si Santos na kapag pinagbotohan ang Death Penalty bill sa Mataas na Kapulungan ay mas maraming senador ang tututol sa pagpasa sa panukala batay sa pagsa-alang-alang sa buhay at hindi dahil sa partido politikal.

Noong nakalipas na linggo, inaprubahan ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 4727 o Death Penalty bill, kung saan ang papatawan lamang ng parusang kamatayan ang mga mahahatulan sa drug-related cases.

Nauna nang tinanggal ang mga mahahatulan ng rape, plunder at treason sa mga ihahanay sa death penalty.

Read more...