Sa halip, sinabi ng pangulo na dapat magbayad ng doble ang Mighty o P3 bilyon, upang mapunan nito ang kanilang tax deficiency.
Ayon kay Pangulong Duterte, nanloko ang nasabing kumpanya kaya doble dapat ang ibayad ng mga ito.
Sa ganitong paraan aniya, magagamit pa ang pera para ipagawa o ipaayos ang mga ospital sa Sulu, Basilan at sa Maynila.
Ani pa Duterte, kung magbabayad ng doble ang kumpanya, handa siyang kalimutan ang P1.5 bilyong halaga ng pekeng tax stamps na inimprenta ng kumpanya.
Tinitiyak niya pa aniya sa may-ari ng Mighty na si Alex Wongchuking na kung mayroon mang magsulong pa rin ng kaso laban sa kaniya, maari naman niya itong bigyan ng pardon.
Paglilinaw naman ni Duterte, kay Health Sec. Paulyn Ubial dapat ibigay ni Wongchuking ang P1 bilyon para sa ospital sa Basilan, P1 bilyon din para sa ospital sa Jolo, Sulu, habang ang matitirang P1 bilyon din ay para naman sa Mary Johnston Hospital sa Tondo.
Sa mga isinagawang raid ng Bureau of Customs (BOC) at Bureau of Internal Revenue (BIR) nitong nagdaang linggo, nasabat ng mga otoridad ang mga sigarilyo ng Mighty na may P1.1 bilyong halaga ng hindi nabayarang taxes.
Partikular nilang sinalakay ang mga warehouses ng kumpanya sa General Santos City at San Simon, Pampanga.
Nakumpiska rin ng BOC at BIR sa mga pantalan sa Cebu at Tacloban ang mga nasabing sigarilyo na may mga pekeng tax stamps na ikinalugi ng pamahalaan ng P6 milyon sa excise tax.
Noong nakaraang buwan naman, aabot sa 2.49 milyon ang halaga ng excise tax na nalusutan ng Mighty sa pamamagitan ng mga sigarilyong nakumpiska ng BIR sa Cebu dahil rin sa mga pekeng tax stamps.