Pawang mga miyembro ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap o Kadamay ang karamihan sa mga nagsi-lusob at nag-take over sa mga bakanteng bahay sa naturang housing projects.
Ang mga bakanteng bahay na ito ay nakalaan para sa mga ire-relocate na informal settlers mula sa Metro Manila.
Ginawa ng mga pamilya ang biglang pag-okupa sa mga tahanang ito noong Miyerkules, dahil anila, pagod na sila na lagi silang binabalewala ng pamahalaan.
Giit ng presidente ng Kadamay na si Elizabeth Aguirre, handa naman silang magbayad sa mga murang pabahay ng gobyerno, ngunit sa kabila ng ilang beses nang dayalogo, hindi pa rin aniya sila binibigyan ng matitirhan.
Partikular na inokupa ng mga pamilya ang mga bahay sa Villa Elise sa Brgy. Masuso, Pandi Village 2 sa Brgy. Mapulang Lupa, Villa Louise sa Brgy. Cacarong Bata na lahat ay nasa bayan ng Pandi, pati na rin ang San Jose Heights sa San Jose del Monte City.
Bagaman maaring ituring na trespassing ang kanilang ginawa dahil hindi naman sa kanila pa nakalaan ang mga ito, hindi na muna sila pinaalis ng lokal na pamahalaan ng probinsya dahil sa isasagawang dayalogo ngayong araw.
Nagpakalat na muna ng mga pulis sa mga nasabing lugar, pero hindi pa naman sila inuutusan na paalisin ang mga pamilya.
Ayon naman kay Elizabeth Joseph na project manager ng National Housing Authority (NHA) na nangangasiwa sa mga resettlement sites, inatasan sila ng head office na makipagdayalogo muna sa mga pamilya.
Nakipagpulong na rin si Joseph kay Gov. Wilhelmino Sy-Alvarado kaugnay ng krisis, kung saan napagusapang may programa ang Bulacan para sa mga informal settlers ngunit prayoridad nila ang mga nakatira sa kanilang probinsya.
Pawang hindi rin naman mga nakalista bilang benspisyaryo ng mga pabahay na ito ang mga nasabing pamilya, dahil ayon sa NHA, nakalaan ang mga ito para sa mga inialis sa tabi ng mga creek sa Metro Manila.