CGMA, malabong matanggal bilang deputy speaker ayon sa isang mambabatas

GMA-0719Kumbinsido si Surigao del Sur Rep. Prospero Pichay na hindi maaalis bilang deputy speaker ng Kamara si Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo, maging ang iba pang kongresistang anti-death penalty.

Ito’y sa kabila ng pahayag ni House Speaker Pantaleon Alvarez na tuloy na tuloy ang pagtanggal sa mga lider ng kapulungan na bumotong kontra sa Death Penalty bill.

Ayon kay Pichay, hindi mawawala sa posisyon si CGMA at iba pang committee chairmen kahit pa ganoon ang deklarasyon ng speaker.

Bukod dito, kahit papaano ay may pinagsamahan sina Alvarez at Arroyo.

Giit ni Pichay, nakamit na ng liderato ang layon nito na makakuha ng malaking bilang ng boto para sa pagpasa sa Death Penalty bill, kaya bakit kailangan pang parusahan ang mga tumutol sa panukala.

Dagdag nito, dapat pa ngang matuwa ang House leadership dahil umiiral ang demokrasya sa kanilang institusyon.

Kung matuloy man ang rigodon, sinabi ni Pichay na hindi ito kawalan kay Arroyo.

Naging presidente na siya ng Pilipinas at muling nakabalik bilang mambabatas, kaya ano pa dahilan para kumapit bilang deputy speaker.

Read more...