Nilinaw ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na hindi pa nila ipatutupad ang modified odd-even traffic scheme.
Sa inilabas nilang pahayag, sinabi ng MMDA na hinarang ng mga alkalde ang kanilang panukala na magpatupad ng odd-even scheme sa kanilang Metro Manila Council meeting noong Martes.
Hindi muna ito paiiralin dahil nais ng mga alkalde sa Metro Manila na magsagawa muna ang MMDA ng mga consultative dialogues kaugnay ng nasabing panukala, kasama ang mga iba’t ibang stakeholders.
Babaguhin rin ang nasabing panukala sakaling kailanganin base sa magiging resulta ng consultative meeting.
Marami kasi ang naglabas ng negatibong reaksyon kaugnay sa odd-even scheme, partikular na ang mga motorista.
Sa ilalim kasi ng panukalang traffic scheme, pagbabawalan ang mga sasakyan na dumaan mula sa Magallanes sa Makati City hanggang sa North Avenue sa Quezon City sa ilang partikular na oras depende sa kanilang plaka.
Ang mga plate numbers kasi na nagtatapos sa odd numbers tulad ng 1, 3, 5, 7 at 9, ay babawalang dumaan sa EDSA mula alas-7:00 hanggang alas-9:00 ng umaga, ala-1:00 hanggang alas-3:00 ng hapon at alas-5:00 hanggang alas-7:00 ng gabi.
Para naman sa mga even numbers na 2, 4, 6, 8 at 0, babawalan silang dumaan sa mga oras na alas-9:00 hanggang alas-11:00 ng umaga, alas-3:00 hanggang alas-5:00 ng hapon, at alas-7:00 hanggang alas-9:00 ng gabi.
Bukod naman dito ay marami pang iminumungkahing plano ang MMDA para maibsan ang bigat ng trapiko sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila, pero pinag-uusapan pa ang mga ito.