Nabatid kasi ni Lacson na noong humarap si Lopez sa komisyon noong Miyerkules, puro kapos ang kaniyang mga sagot sa mga katanungan ng mga miyembro.
Paalala ni Lacson kay Lopez, kailangang ayusin niya ang pagsagot sa mga miyembro ng komisyon dahil naroon siya para kumbinsehin ang mga ito.
Aniya pa, ayaw naman niyang matulad ang sitwasyon ni Lopez kay Secretary-designate Perfecto Yasay Jr. na na-reject sa kaniyang appointment sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Bilang chairman kasi ng CA committee on foreign affairs, si Lacson ang nagbasa sa pag-reject ng komisyon sa appointment kay Yasay sa plenaryo dahil sa umano’y pagsisinungaling nito tungkol sa kaniyang US citizenship.
Ayon pa kay Lacson, muntik na siyang mag-move para sa confirmation ni Lopez noong Miyerkules pa lamang, ngunit nakukulangan siya sa mga sagot nito.
Bagaman naging maganda aniya ang presentation ni Lopez, ngunit kulang ang mga isinasagot ng kalihim para kumbinsehin ang hindi bababa sa 13 na CA mambers.
Kailangan kasing makuha ng isang appointee ang boto ng majority sa CA na may 24 members, upang mairekomenda siya sa plenaryo.