Kinumpirma ni Department of National Defense (DND) Secretary Delfin Lorenzana na nagsasagawa na ng back-channeling efforts ang pamahalaan upang maplantsa ang mga isyu sa pagitan ng pamahalaan at CPP-NPA-NDF.
Ito ay kaugnay sa posibilidad ng muling pagpapatuloy ng pormal na negosasyon ng usapang pangkapayapaan.
Lumipad na kahapon patungong Europa si Presidential Adviser on the Peace Process Sec. Jesus Dureza upang makipag-usap sa mga negosyador sa panig ng CPP-NPA-NDF.
Pinayagan na rin ng pamahalaan sina NDF negotiators Benito at Wilma Tiamzon na magtungo din sa Europa para makaharap si Dureza.
Kagabi naman umalis ang mag-asawang Tiamzon kasama ang isa pa nilang kasapi na si Vic Ladlad.
Nilinaw naman ni Lorenzana na bago matuloy ang naudlot na usapang pangkapayapaan sa NDF, nanindigan si Pangulong Duterte na kailangang tumupad muna ang NDF sa tatlong kondisyon.
Una ay tumalima sa pagpapatupad ng bilateral ceasefire.
Ikalawa ay tigilan ang kanilang pangingikil at pang-haharass sa mga sibilyan at ikatlo ay pakawalan ang lahat ng kanilang mga bihag na pulis at sundalo.