Inamin ni Foreign Secretary Perfecto Yasay Jr. sa Commission on Appointments na naging US Citizen siya noong 1986.
Ginawa ni Yasay ang pag-amin sa CA Committee on Foreign Affairs nang sabihan siya ni Occidental Mindoro Josephine Sato na sagutin ng oo o hindi kung naging US citizen ba siya.
Hindi direktang oo o hindi ang sinagot ng kalihim pero sinabi nito na lagi naman niyang inaamin na nabigyan siya ng US citizenship.
Ayon kay Yasay, nabigyan siya ng US citizenship noong November 26, 1986 pero iginiit nito na void umano ang naturang US citizenship.
Matapos anyang mabigyan siya ng US citizenship ay sunod siyang nabigyan ng US passport kaya invalid ang citizenship sa ilalim ng US immigration and nationality act.
Humingi naman ito ng paumanhin sa bicameral ng CA dahil anya sa hindi sinasadyang pag-mislead sa kanila kaugnay ng kanyang citizenship status.
Hindi umano intensyon ni Yasay na lokohin ang komisyon.
Nanindigan ang kalihim na siya ay Pilipino at hindi American citizen.
Paliwanag ng opisyal, nang itinanggi niya na nabigyan siya ng US passport sa unang confirmation hearing noong nakaraang buwan, ang tinutukoy niya lamang umano ay ang pasaporte na kanyang pag-aari gaya ng na-publish sa isang news organization.