9 miyembro ng ASG patay sa engkwentro sa Maimbung, Sulu

abu-sayyafUmabot na sa siyam na miyembro ng Abu Sayyaf Group ang napatay sa pakikipagbakbakan sa mga pwersa ng pamahalaan sa Maimbung, Sulu mula pa noong Linggo.

Ayon kay Joint Task Force Sulu chief Col. Cirilito Sobejana, apat na ang nauna nilang hawak na body count, pero nadagdagan pa ito ng lima kahapon.

Naka-rekober rin ang mga militar ng limang armas at dalawang M203 grenade launchers.

Ayon naman kay Sulu-based university professor Octavio Dinampo na nagmo-monitor sa mga ulat ng pagdukot sa kanilang lalawigan, kasama sa siyam na nasawi ang sub-leader ng Abu Sayyaf na si Aktar Susukan, ang misis nito, at ang misis ng isa pang Abu Sayyaf leader na si Idang Susukan.

Si Idang Susukan ay sangkot noon sa pagdukot at pagpugot sa ulo ng Malaysian na si Bernard Then Ted Fen noong November 2015.

Sa huling ulat ni Sobejana, kasama rin sa mga napatay ang sub-commander na malapit kay Abu Sayyaf leader Radullan Sahiron, na si Jaber Susukan.

Samantala, nasugatan rin ang 15 bandido na nagawang makatakas papunta sa Brgy. Mabahay sa bayan ng Talipao.

Naganap ang engkwentro noong Linggo ng madaling araw nang makaharap ng mga sundalo ang nasa 70 miyembro ng Abu Sayyaf.

Aminado si Sobejana na nahirapan sila sa operasyong ito dahil nabaon ang kanilang mga katawan hanggang bewang dahil sa lalim ng putik sa mangrove area.

Read more...