Hiniling ni Vice President Leni Robredo ang kanyang mga kasamahan sa oposisyon na maging mas matapang sa paghahayag ng kanilang saloobin sa pagkontra sa kasalukuyang administrasyon.
Sa pagbisita ni Robredo sa mga mangingisda ng Bohol, hinikayat rin nito ang kanyang mga kasamahan na mas palakasin ang kanilang boses upang punahin ang dapat punahin sa pamahalaan.
Malinaw aniyang mensahe sa mga senador ang naganap na reorganization na nais ng liderato ng administrasyon na maging sunud-sunuran na lamang sa lahat ng kanilang nais na mangyari at kung hindi, ay may kaakibat itong pagbawi at ganti.
Isa pa aniyang matinding halimbawa dito ang pagkakadetine kay Senador Leila De Lima na isa sa matinding kumastigo sa extrajudicial killings sa bansa.
Sa kabila aniya ng mga ito, kailangang maging mas malakas ang loob ng kanyang mga kasamahan upang kontrahin ang ilang mga polisiyang hindi pabor sa kapakanan ng mamamayan.