Katakut-takot na mura muli ang pinakawalan ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa Simbahang Katolika sa pagharap nito sa mga mamamayan at mga lokal na opisyal ng Cordova, Cebu.
Nasa Cebu ang pangulo kahapon upang pasinayaan ang Cebu-Cordova Link Expressway project.
Gayunman, hindi nakatiis ang pangulo na gamitin ang okasyon upang banatan muli ang Simbahan dahil sa umano’y patuloy na pagbatikos sa kanyang kampanya kontra droga.
Sa kanyang talumpati na kanyang inihayag sa wikang Cebuano, iginiit ng Pangulo na wala umanong ginawa ang mga pari kung hindi magreklamo.
Ngunit sa katotohanan aniya ay namumuhay ang mga ito ng marangya.
Dapat din aniyang tumigil na sa panghihingi ng pera ang mga pari at kung hindi, ay kanyang ipaaresto ang mga ito dahil sa pangongotong.
Muli ring dinipensahan ng Pangulo ang kanyang kampanya kontra droga sa harap ng mga dumalo sa okasyon na kinabibilangan rin ng mga bata.