Viral sa social media ang isang larawan ng mga preso sa Cebu Provincial Detention and Rehabilitation Center na nakahubad habang nakaupo sa open court ng pasilidad.
Marami sa mga netizens ang nadismaya sa kumalat na larawan at sinabing hindi makatao para sa Philippine Drug Enforcement Agency ang iwan ang mga inmate na nakahubad.
Noong madaling araw ng February 28, nagsagawa ng greyhound operation ang PDEA kasama ang militar at iba pang enforcement agencies sa naturang detention facility.
Sa nasabing operasyon, nakumpiska sa mahigit tatlong libong inmates ang aabot sa 80 cellphone units, laptops, matatalim na bagay, P90,000 cash at labing siyam na sachet ng hinihinalang shabu.
Sa isang panayam, sinabi ni PDEA Regional Director Yogi Felimon Ruiz na aakuin niya ang responsibilidad sa operasyon ay kung paano ito isinagawa.
Paliwanag ni Ruiz, isinagawa nila ang naturang operasyon matapos sabihin ni Cebu Governor Hilario Davide III na nakatanggap ito ng impormasyon ukol sa presensya ng iligal na droga at iba pang kontrabando sa loob ng CPDRC.
Pinaghubad aniya nila ang mga preso para matiyak na magiging mapayapa ang operasyon at para masiguro din na walang maitatagong armas ang mga preso na posibleng pagmulan ng riot.
Samantala, wala pang inilalabas na pahayag si CPDRC jail warden Dr. Gil Macato ukol sa nasabing operasyon at mga kontrabandong nakumpiska sa loob ng pasilidad.