Bilang ng mga nagkakaroon ng HIV/AIDS sa bansa, patuloy na tumataas

HIV testPatuloy ang pagtaas ng bilang ng mga nagkakaroon ng HIV infections sa Pilipinas.

Sa katunayan, ayon kay Steven Kraus na director ng United Nations HIV/AIDS agency, ang Pilipinas ang mayroong “fastest growing HIV infection rate in Asia” bukod sa Afghanistan.

Dagdag pa ni Kraus, sa panahon ngayon, malaki ang posibilidad na mahirapan nang kontrolin ang pag-kalat ng nasabing infection.

Bagaman mababa pa ang kabuuang bilang ng mga Pilipinong nabubuhay nang may HIV, patuloy naman ang pagtaas ng bilang ng mga nagkakaroon nito.

Ayon sa UNAIDS, tinatayang nasa mahigit 50 percent ang itinaas nito sa pagitan ng taong 2010 hanggang 2015.

Partikular na mas tumataas ang bilang ngayon sa mga gay men na nasa edad 25 pababa.

Kabilang sa mga madaling mahawaan ng HIV ngayon ay pawang mga kabataan, gay men, injecting drug users, transgender women at mga babaeng prostitutes. Umabot sa 230 percent ang itinaas ng rate ng mga bagong infections mula lamang noong 2011 hanggang 2015.

Ngunit sa kabila ng mga datos na ito, napigilan ang mga pagsusulong na paigtingin ang kaalaman ng publiko sa Pilipinas tungkol sa naturang sakit, at napigilan rin ang plano sanang mapigilan ito sa mga kabataan.

Noong nakaraang buwan kasi ay inanunsyo ng Department of Education (DepEd) na ibabasura nila ang plano ng Department of Health (DOH) na magpamigay ng condoms sa mga junior at senior high school students sa mga pampublikong paaralan.

Ito ang nakitang solusyon ng DOH, lalo’t base sa kanilang pag-aaral, 17 percent lang sa mga Pilipinong may edad 15 hanggang 24 ang lubos na nakakaintindi sa kung ano ang HIV at kung paano ito nakakahawa.

Kung natuloy sana ang nasabing plano, sasanayin ang mga guro na turuan ang mga estudyante sa kung paano mapipigilan ang teenage pregnancies at ang paglalat ng sexually transmitted infections.

Layon din sana nitong mag-alok ng voluntary HIV testing, at pagsasanay na rin para sa mga magulang kung paano nila kakausapin ang mga anak tungkol sa sex.

Gayunman, maraming tumutol dito kabilang na ang ilang senador tulad ni Sen. Vicente Sotto III, mga magulang, at ang Simbahang Katolika.

Bagaman may mga anti-HIV programs ang DOH, malaki naman ang problema nila sa pag-abot at pagbibigay kaalaman sa mga kabataan.

Sa ngayon, nakasaad rin sa batas na ang mga Pilipinong may edad 18 pababa ay kailangan munang humingi ng parental consent bago sila makapagpa-HIV test.

Bukod dito, nililimitahan rin ng batas ang pagpapamigay ng pamahalaan ng mga contraceptives tulad ng condoms na napatunayang malaki ang naitutulong sa pag-iwas sa HIV.

Read more...