Sa pahayag ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella, inilatag nito ang mga sirkumstansya bago arestuhin ang senador dahil sa pagkakasangkot umano sa pagtanggap ng pera mula sa mga drug lords na nakakulong sa Bilibid.
Malinaw aniya na ang lokal na korte ang nag-utos na arestuhin si De Lima at walang kinalaman dito ang Malakanyang.
Kinakitaan aniya ng sapat na batayan ng korte ang reklamo laban sa mambabatas kaya’t ipinag-utos na ang pag-aresto dito.
Wala aniyang basehan ang report ng CNN International na ‘political in nature’ ang pagpapakulong kay De Lima dahil taliwas ito sa mga ebidensyang napapaloob sa kaso.
Kahit sina Senador Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Bong Revilla na nakasuhan at nakulong pa noong nakaraang administrasyon ay hindi ginagamit ang isyu ng ‘political persecution’ bilang kanilang depensa.
Kasabay nito, hinamon ni Abella ang CNN International na maging patas at makatotohanan sa kanilang mga pag-uulat .