2 kotong cops, kinasuhan dahil sa pag-aresto sa mga pulis na huhuli sa kanila

 

Dalawang pulis Maynila ang kinasuhan ng unlawful arrest sa Department of Justice (DOJ), matapos arestuhin ang mga miyembro ng Philippine National Police-Counter Intelligence Task Force (CITF) na dapat huhuli sa kanila sa isang entrapment operation.

Nakatanggap kasi ang CITF ng mga reklamo laban kina PO1 Mark Jonald Jose at Glenn Anthony Radovan na pawang mga pulis ng Manila Police District Station 5.

Ito ay dahil sa umano’y pangongotong ng dalawa sa mga driver ng trucks, jeep, tricycle at motorsiklo na dumadaan sa Bonifacio Drive sa Intramuros.

Matapos magsagawa ng mga surveillance operations, nakumpirma na ng mga taga-CITF ang pagkakakilanlan ng mga pulis kaya nagsagawa na sila ng entrapment operation.

Nagpanggap na poseur driver at pasahero sina Insp. Cristonie Bongcawil at PO2 Emerson Caliguiran ng isang motorsiklo, bitbit ang P200 na marked money.

Nilapitan nina Jose at Radovan sina Bongcawil at Caliguiran matapos nilang iparada ang kanilang motorsiklo sa Bonifacio Drive madaling araw ng Miyerkules.

Dito na sila tinutukan ng baril nina Jose at Radovan ang dalawang tauhan ng CITF, at inutusan silang itaas ang kanilang mga kamay dahil kung hindi, sila ay babarilin.

Nagpakilalang mga pulis sina Bongcawil at Caliguiran ngunit hindi nakinig sina Jose at Radovan, at pinosasan pa ang mga ito.

Ipinakausap naman ni Bogcawil sa dalawa ang kaniyang ground commander para patunayan ang kanilang sinasabi ngunit hindi pa rin sila pinakawalan, at sapilitan pa silang isinakay sa tricycle.

Habang pinupwersa silang sumakay ng tricycle, rumesponde na sa kanila ang iba pang miyembro ng CITF na pinamumunuan ni Supt. Bonifacio Arañas Jr., kasama ang ilang miyembro ng Special Action Force.

Sa ngayon ay nahaharap na sa kasong paglabag sa Article 269 ng Revised Penal Code o Unlawful Arrest sina Jose at Radovan.

Read more...