Tinaguriang “Fire Prevention Month” ang Marso, dahil karaniwang tumataas ang bilang ng mga naitatalang insidente ng sunog sa buwang ito, lalo’t pasimula na rin ang panahon ng tag-init.
Ayon kay Gordon, 24/7 na naka-alerto ang Red Cross na may 18 truck ng bumbero, 12 water tankers, at libu-libong trained emergency responders sa buong bansa.
Ang tema naman ng Fire Prevention Month ngayon ay “Buhay at Ari-arian ay Pahalagahan, Ibayong Pag-iingat sa Sunog ay sa Sariling Pamamahay Simulan.”
Ito anila ay sumasalamin sa pangako ng Bureau of Fire Protection (BFP) na mas magbubutihin ang kaalaman ng publiko kaugnay ng fire prevention.
Ayon kay Senior Supt. Wilberto Kwan Tiu na director ng BFP-National Capital Region (BFP-NCR), tumaas sa 5,121 ang bilang ng mga naitalang sunog sa Metro Manila noong 2016, kumpara sa 4,374 na naitala noong 2015.
Nangunguna naman ang Quezon City sa mga lungsod na may pinakamaraming naitatalang sunog sa Metro Manila sa bilang na 1,023, na sinundan naman ng Maynila sa 470 na insidente.
Mula sa pagpasok ng taong 2017 hanggang February 15, umabot na sa 259 ang naitalang sunog sa National Capital Region, at karamihan sa mga ito ay nangyari sa mga residential areas dahil sa aksidente.
Kabilang sa mga karaniwang dahilan ng sunog ay mga may kinalaman sa pumalyang kuryente, mga nakakalat na upos ng sigarilyo, at mga naiiwanang nakasinding kandila.
Nagbigay naman si Red Cross Secretary General Oscar Palabyab ng mga tips para maka-iwas sa sunog at makaligtas mula rito.
1. Tiyaking alam ng bawat miyembro ng pamilya kung saan ang fire escape.
2. Magkasundo sa kung saang lugar kayo maaring magkita-kita, na may sapat at ligtas na distansya mula sa inyong tahanan sakaling magka-sunog.
3. Turuan ang bawat miyembro ng pamilya kung paano gumamit ng fire extinguisher.
4. Sakaling masakluban ng usok, init o apoy ang daan palabas, manatili sa loob ng kwarto habang nakasara ang pinto.
5. Lumapit sa may binta at magbigay ng signal sa mga tao sa labas tulad ng pag-wagayway ng matingkad na kulay ng damit o paggamit ng flashlight.
6. Oras na makalabas sa nasusunog na gusali, manatili na lamang sa labas.
Bukod dito, pinayuhan pa nila ang publiko na agad tumawag sa mga bumbero oras na magkasunog, at nasa maayos na kayong kalagayan.