Dahil sa pekeng tax stamp, nakaiwas umano ang naturang kumpanya na magbayad ng aabot sa P696 milyong pisong halaga ng buwis sa gobyerno.
Kinumpirma ng Departmenf of Finance ang raid sa tanggapan ng Mighty Sales office sa General Santos City at dito nakakumpiska ang BIR at BOC ng 3.2 milyong pakete ng sigarilyo na may pekeng tax stamp.
Sa P36 na excise tax sa bawat pakete, lumilitaw na aabot sa P96 milyon ang bigong bayaran ng Mighty Corp.
Bukod sa General Santos City, sinalakay rin ng dalawang ahensya ang apat na bodega ng kumpanya sa San Simon sa Pampanga at dito, nakakumpiska ang raiding team ng 40,000 master cases o 20 milyong pakete ng Mighty cigarettes.
Sa naturang raid, kinakitaan rin ng mga pekeng tax stamp ang mga sigarilyo na nagkakahalaga ng 600 milyong piso.
Dahil sa pagkalat ng mga pekeng tax stamps, nakatakdang maglabas ng mga bagong security features ang BIR sa kalagitnaan ng taong ito.
Makikipag-usap na rin ang BIR sa mga kumpanya ng sigarilyo upang masolusyunan ang paglaganap ng mga pekeng tax stamps sa kanilang mga produkto.