Lagman: Dapat magsisi kayo sa pagpapalusot sa death penalty

Edcel-Lagman
Inquirer photo

Para kay Albay Cong. Edcel Lagman, dapat humingi ng tawad at magsisi ang mga lider ng Kamara dahil sa gagawing pag-apruba ng death penalty bill ngayong araw, ash Wednesday o umpisa ng Kwaresma.

Ayon kay Lagman, maraming dapat ihingi ng tawad at ipagsisi ang House leadership sa gitna ng pagmamadaling palusutin ang pagbabalik ng parusang kamatayan.

Aniya, ang railroading ng death penalty bill ay labag aniya sa kasagraduhan ng buhay at pagbalewala sa tratadong inaprubahan ng bansa na nagbabawal sa pagbabalik ng parusang kamatayan.

Para na rin umanong isinaksak sa shredding machine ang rules ng Kamara dahil walang pakundangan kung labagin ng mayorya mapaspasan lamang ang approval ng House Bill 4727.

Bukod dito, ani Lagman, para na rin umanong binubusalan ng liderato ang mga tutol sa death penalty bill dahil sa mabilisang pagsara ng debate kahit may labingwalo pang interpellators ang hindi nakakapagtanong at debate sa plenaryo.

Dagdag nito, hindi raw idinaan sa tamang proseso ang pag-amiyenda sa House Bill 4727 at bastang ibinasura ang kanilang mosyon para sa nominal voting gayong pinapayagan ito sa ilalim ng kanilang rules.

Read more...