Pinayagan ng Manila Regional Trial Court Branch 34 na makapagpiyansa si Supt. Hansel Marantan at iba pang mga akusado sa Atimonan rub-out incident na naganap noong January 2013 sa Quezon.
Bukod kay Marantan, kabilang din sa mga pinayagang magpiyansa ay sina Supt. Ramon Balauag, Chief Inspector Grant Gollod, Senior Inspector John Paolo Carracedo, Senior Inspector Timoteo Orig, SPO3 Joselito De Guzman, SPO1 Carlo Cataquiz, SPO1 Arturo Sarmiento, PO3 Eduardo Oronan, PO2 Nelson Indal, PO1 Wryan Sardea at PO1 Rodel Talento.
Sa resolusyon na pirmado ni Presiding Judge Liwayway Hidalgo-Bucu, pinaboran ng hukuman ang petition for bail ni Marantan at ng iba pang akusado.
Ayon sa korte, nabigo ang prosekusyon na maglabas ng sapat na ebidensya na magdidiin sa mga akusado na guilty sa insidente.
Dahil dito, kinakailangan magbayad ng P300,000 na piyansa ang bawat akusado kapalit ng kanilang pansamantalang kalayaan.
Ang nasabing mga akusado ay nahaharap ngayon sa kasong multiple murder sa Department of Justice.
Matatandaang umabot sa labing tatlo katao kabilang na ang hinihinalang gambling lord na si Vic Siman ang napatay nang harangin ng grupo ni Marantan ang dalawang SUV sa isang checkpoint sa Atimonan, Quezon.