Sa bawat lugar na pinupuntahan ko, nagkakaroon ako ng mga bagong kaibigan. Nakikipag-huntahan ako sa kanila at inaalam ang kanilang mga saloobin tungkol sa mga bagay na may kinalaman sa ating bansa.
Nakahuntahan ko ay mga opisyal ng barangay na tumulong sa amin. Politika ang sentro ng usapan.
Isang kagawad ang nagsabi na sina Rodrigo Duterte at Grace Poe raw ang magpupukpukan sa darating na eleksyon.
Paano na si Mar Roxas? ang tanong ko.
Sagot niya: “Kung talagang boto ng tao ang masusunod, hindi yun mananalo.” Wala raw dating sa masa si Mar.
Sabi ko naman, maaga pa at hindi pa nagsisimula ang kampanya, baka magbago pa ang kanilang isip. Dito na niya ako sinagot ng mas tapatan at diretsuhan.
“Alam ninyo ma’am, depende din yan sa ibinibigay na suporta sa barangay, lalo na kapag tinutupad ang pangako sa barangay,” paliwanag niya.
Pero, sa ngayon, kahit pa raw pumunta sa kanilang barangay ang nasabing kandidato, hindi rin ito mananalo.
Pero bakit nga sina Duterte at Poe ang magpupukpukan? Unahin natin si Poe. Sabi ni kagawad, noong tumakbo si Poe sa pagka-senador, ang parang tumakbo aniya ay ang yumaong ama nito na si Fernando Poe, Jr.
“Yung panalo niya, panalo yun ng tatay niya na ninakaw noong 2004.” Pero ang pagtingin ng mamamayan ngayon kay Grace Poe ay hindi na ka-tulad ng pagtingin sa kanya noong 2013.
Anya: “May gawing pulitiko na rin, nagbago din bagaman kaunti pa lamang ngunit may bakas na.” Ano nga kaya ito?
Binanggit ng kagawad ang Mamasapano Report ng Senado. Pinabayaan ko si kagawad na mismo ang mnagtuloy ng kanyang pulso hinggil naman kay Duterte.
Ang hindi raw niya malilimutan ay yung isa sa mga nauna sa pagtulong sa Tacloban ay si Duterte. Naramdaman daw niya na may puso ito sa kabila ng image nito na dikit sa mga grupong tulad ng Davao Death Squad.
Pero hindi daw yun ang magpapanalo kay Duterte kundi ang mismong kamay na bakal nito sa paglaban sa kriminalidad.
Ang sabi ba naman ni kagawad at marami ka-ming nakadinig nito dahil huntahan nga, naghahanda pa lang sa set, hindi pa kinukunan ang eksena sa pelikulang ginagawa namin, ma-nanalo daw si Duterte dahil gusto ng marami ang sinabi nitong paraan ng paglaban niya sa mga kriminal at tiwali sa lipunan.
“Yung sinabi niya na isasama niya sa aalisin sa lipunan yung mga tiwa-ling congressman, tuwang-tuwa kami at mapupuno ang Manila Bay!”—yun ang eksaktong sinabi niya na nakangiti pa.
Ganun na ba talaga kasama at kalala ang katiwalian na maging ang panukalang marahas na paraan ay sasang-ayunan na may ngiti pa ng mga tao sa kanayunan, opisyal pa ng barangay sa kasong ito?
Ako na rin ang sumagot sa tanong ko. Malala na nga ba? Ang kuwento ng isang Janet Lim-Napoles ay silip lamang sa kung gaano kalala ang tunay na sitwasyon ng katiwalian.
Interesante na ngayon pa lamang, sa mga liblib na lugar, pinaguusapan na ang eleksyon sa 2016. Ang tanong, ito ba ay kumakatawan sa sintimyento ng mas nakararaming Pilipino ngayon tungkol sa eleksiyon sa susunod na taon?