5 magkakamag-anak, patay sa sunog sa Taguig

 

Kuha ni Cyrille Cupino

Limang magkakamag-anak ang kumpirmadong patay sa sunog na sumiklab sa Brgy. Pinagsama, Taguig City, bisperas ng Fire Prevention Month.

Ayon kay Taguig City Fire Marshal Ian Guerrero, tatlong magkakapatid ang biktima na miyembro ng pamilya Lozano.

Anim, walo at dose ang edad ng nasawing magkakapatid na Franklin, Francine at Franz John.

Naiwan rin sa loob ang lolo at lola ng mga bata na sina Ramon at Virginia Benjamin.

Ayon kay Guerrero, pawang may kapansanan ang dalawang may-edad na biktima kung saan bulag ang isa sa mga ito samantalang lumpo naman ang isa pa.

Napasugod naman sa area ang mga magulang ng mga bata na galing pa sa trabaho.

Nagsimula ang sunog pasado 8:20, at idineklarang fire out alas-9:40 ng gabi.

10 kabahayan ang tinupok ng apoy, at tinatayang aabot sa 200 thousand pesos ang halaga ng ari-ariang nasunog.

Nahirapan rin ang mga bumbero na patayin ang apoy dahil masikip ang mga eskinita papunta sa mga nasunog na bahay.

Umabot sa ikalawang alarma ang sunog na hanggang sa ngayon ay iniimbestigahan pa ang pinagmulan.

Read more...