Pagtalikod ng Comelec sa “refurbishment” ng lumang 82,000 PCOS, sinadya-Rep. Ridon

Inquirer file photo

Malaki ang hinala ni Kabataan PL Rep. Terry Ridon na sinadya ng Commission on Elections o Comelec na isantabi ang opsyong refurbishment ng 82,000 na lumang PCOS machines upang hindi lumitaw ang ‘glitches’ ng mga ito.

Ayon kay Ridon, malaking palaisipan kung bakit ibinasura ng Comelec ang pinakacost-effective o matipid na refurbishment option, kapalit ng bagong deal sa Smartmatic-TIM para sa pag-upa ng mahigit 93,000 na bagong OMR machines para sa 2016 Elections.

Bunsod nito, sinabi ni Ridon na maaaring mayroong pinagtatakpan ang Comelec sa lumang PCOS machines dahil pwede malantad ang kapalpakan ng mga makina, sa oras na isailalim sa refurbishment.

Kinuwestyon pa ng Kongresista ang kabiguan daw ng Comelec na isapubliko ang kalagayan ng libu-libong PCOS machines na ginamit noong mga nakalipas na halalan.

Hindi rin aniya nagkaroon man lamang ng independent at komprehensibong audit sa PCOS machines, kaya mistulang bulag ang publiko sa kung ilan sa mga ito ang may sira o kung may problema.

Dagdag ni Ridon, posibleng may usapan na ang Comelec at Smartmatic para isantabi ang refurbishment option, dahil hindi raw ito sumali sa bidding ng refurbishment contract para mapwersa ang komisyon na pumasok sa lease deal ng OMR machines./ Isa Avendaño-Umali

 

 

Read more...