Pinuna ni Jose Manuel Diokno, national chair ng Free Legal Assistance Group (FLAG), ang operational guidelines na inilabas ni Philippine National Police (PNP) Director Gen. Ronald dela Rosa kaugnay ng pagsasagawa ng laban ng pamahalaan kontra iligal na droga.
Ayon kay Diokno, na dean ng De La Salle University College of Law, ang Memorandum Circular No. 16-2016 lang ang alam niyang memo ng PNP na limang beses gumamit ng salitang “neutralization,” at gumamit sa term na “negotiation” patungkol sa mga illegal drug personalities.
Giit ni Diokno, walang katumbas sa batas ang terminong “neutralizaion,” at na hindi ipinanawagan sa circular ang pag-aresto sa mga drug suspects.
Sa jargon ng mga pulis, ang ibig sabihin lang aniya ng “neturalization” ay ang pagpatay.
Makikita aniya sa nasabing circular na hayagang pinahihintulutan ng PNP ang paglalagay ng batas sa kanilang mga kamay at ang pagpatay sa mga tao nang hindi man lang binibigyan ng due process.
Pinabulaanan naman ni PNP spokesperson Senior Supt. Dionardo Carlos ang sinabi ni Diokno.
Giit ni Carlos, para sa kanila ay walang iligal na kahulugan ang salitang “neutralization” na nakasaad sa kanilang memo, at na mali ang pagkakaintindi dito ni Diokno.
Ang nasabing 18-pahinang memorandum ay naglalaman ng detalyadong operational guidelines tungkol sa pagsasagawa ng kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga.
Kabilang naman sa mga ibinilin dito ni Dela Rosa sa mga pulis, ay ang pag-obserba at pag-kilala sa karapatan ng mga akusado.
Mababatid na umabot na sa 2,500 ang mga napatay ng pulisya dahil sa Oplan Tokhang, habang 4,500 naman ang bilang ng mga “deaths under investigation” na hinihinalang pakana ng mga vigilante groups at sindikato.