Ayon kay Trillanes, nalaman niya ito kay retired SPO3 Arthur Lascañas, isang confessed hitman na nag-mungkahi umano sa isang katiwala ni Duterte na pag-mukhaing aksidente ang pagpatay sa senador.
Nabanggit ito ng senador bilang reaksyon sa sinabi ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre II sa rally ng mga Duterte supporters sa Luneta, kung saan inihayag niyang sunod nang hahabulin ng pamahalaan si Trillanes pagkatapos ni Sen. Leila de Lima.
Matatandaang naaresto si De Lima noong nakaraang linggo at ngayo’y nakakulong sa detention center ng Philippine National Police sa Camp Crame.
Ayon kay Trillanes, siya talaga ang nasa unahan ng hit list ni Duterte, ngunit walang isasampang kaso laban sa kaniya at sa halip ay nais siyang ipapatay ng pangulo dahil galit na galit ito sa kaniya.
Kwento pa ng senador, sinabi sa kaniya ni Lascañas na matapos manalo si Duterte noong nakaraang taon, nilapitan siya ng aide nito na si retired SPO4 Sonny Buenaventura at kinausap siya tungkol sa pagpatay kay Trillanes.
Pero sinabi aniya ni Lascañas kay Buenaventura na masyadong malaking proyekto ang pagpatay kay Trillanes at na mahihirapan silang gawin ito.
Batid ani Trillanes ng dalawa na sakaling mapatay siya, magiging matindi ang imbestigasyon tungkol dito at tiyak na masisisi ang pangulo.
Dahil ayaw ni Lascañas umano na masangkot sa pagpatay kay Trillanes, sinabi nito na iminungkahi na lang niya kay Buenaventura na gawing mukhang aksidente ang pagpatay sa senador tulad ng pag-bunggo ng truck sa kaniyang sasakyan.
Marami pa aniyang nais ipapatay ang pangulo ayon kay Lascañas, pero ilalantad ito ng confessed hit man sa kaniyang pagharap sa imbestigasyon ng Senado sa Huwebes.