Ibinunyag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ang bus na naaksidente kamakailan sa Tanay, Rizal ay halos 30 taong gulang na.
Ayon kay LTFRB Board Member Aileen Lizada, ang naturang bus na nadisgrasya na pag-aari ng Panda Coach Tours and Travel Inc. ay ginawa noon pang 1988.
Taliwas ito sa nakasaad sa rehistro at mga dokumentong isinumite ng kumpanya tungkol sa unit kung saan nakalagay na 2004 ang manufacturing year nito.
Lumalabas aniya na pinagsama ang magkaibang chassis at makina sa isang bus, at ang production date ng mga ito ay noong 1988 pa, o 29 taon na ang nakalilipas.
Dahil sa report na ito ng LTFRB, iginiit ni Chairman Martin Delgra na dapat na talagang isailalim sa modernisasyon ang mga pampublikong sasakyan.
Ayon kay Delgra, nangyari ang nasabing trahedya na ikinasawi ng 15 katao dahil sobrang luma na ng bus na kanilang nagamit.
Aminado naman ang abogado ng Panda Coach na si Atty. Bernie Panagsagan na hindi siya gaanong maalam sa mga impormasyon tungkol sa bus at sa rehistro nito dahil bago rin lang siya sa kumpanya.