14,462 mga pulis, na-promote, nanumpa lahat kaninang umaga

11909800_10153223606243318_1874145598_n
Kuha ni Jan Escosio

Aabot sa 1,291 na mga pulis ang nanumpa sa pwesto, bilang bahagi ng oath taking and donning of ranks ceremony sa Camp Crame sa Quezon City.

Ang naturang bilang ng mga nanumpang pulis sa Camp Crame ay bahagi ng kabuuang 14,462 na pulis na tumaas ang ranggo at nanumpa din sa iba’t-ibang regional offices ng PNP sa bansa.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) Director for Personnel and Records Management, Police Director Dominador Aquino Jr., 226 sa mga nanumpang pulis ay may ranggong police commissioned officers o mula sa ranggong police inspector ay naitaas sa police superintendent.

Ang 1,065 naman na mga pulis ang nasa hanay ng mga police non- commissioned officer o mula sa ranggong police officer 2 ay naitaas sa ranggong police officer 4.

Samantala sa pahayag ni PNP Chief Director General Ricardo Marquez na binasa ni Deputy Chief for Administration Police Deputy Director General Marcelo Garbo Jr., nagbilin ito sa mga bagong promote na mga pulis na maging tapat sa kanilang sinumpaang tungkulin.

Iginiit din ng PNP Chief ang kanyang paalala sa mga pulis na bawat maliit o simpleng bagay na ginagawa nila sa araw-araw ay may malaking epekto sa kaligtasan ng publiko./ Jan Escosio

Read more...