Itinanggi ni Biñan, Laguna Rep. Marlyn “Len-Len” Alonte-Naguiat na nag-alok siya ng P100 million sa mga high-profile inmates para umano baligtarin ang kanilang testimonya laban kay Senator Leila De Lima.
Sa isang panayam ay sinabi ni Alonte na ikinagulat niya ang alegasyon ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre II.
Sinabi ni Alonte na wala siyang kilala sinuman sa mga inmates na tumestigo sa pagdinig ng kamara sa kalakaran ng iligal na droga sa New Bilibid Prisons (NBP).
Dagdag ni Alonte, hindi niya alam kung paano lumutang ang naturang isyu.
Handa umanong humarap ang kongresista kay Aguirre at sa sinuman na nagsabi sa kalihim na nanuhol siya.
Taas-noo umanong haharapin ng mambabatas ang alegasyon at handa pa siyang sumailalim lie detector test.
Hindi rin daw kilala ni Alonte si dating Senador Jamby Madrigal na pinangalanan din ni Aguirre na nag-alok umano ng pera sa mga inmates.
Hihingin naman ni Alonte ang tulong o guidance ng pamunuan ng kamara hinggi sa isyu.