Si Lalaine Martinez ay pinsan ni dating Senador Jamby Madrigal at misis ng convicted drug lord at kidnapper na si Noel Martinez.
Magugunitang si Noel Martinez na lider ng Genuine Ilocano Group sa Bilibid, ay isa mga high-profile inmates na tumestigo laban kay Senator Leila de Lima sa isinagawang pagdinig ng kamara kaugnay sa illegal drug trade sa New Bilibid Prisons (NBP).
Kinumpirma ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre II na naganap ang pananambang kay Lalaine Madrigal Martinez pero wala pang mas detalyadong impormasyon hinggil dito.
Pero naganap aniya ang pananambang sa Makati City at mismong si Lalaine Martinez ang tumawag sa kaniya para ipaalam na pinagbabaril ng mga armadong lalaki ang kaniyang sasakyan.
Ligtas naman si Martinez sa nasabing insidente.
Ayon kay Aguirre, gamit ang cellphone ni Lalaine, nakausap ni Biñan City Congresswoman Len-Len Alonte-Naguiat ang mga high profile inmates ng Bilibid para alukin ng P100 milyon.
Ito ay kapalit ng pagbawi nila sa mga testimonyang inihayag nila laban kay Senator Leila De Lima sa isinagawang imbestigasyon ng kamara hinggil sa drug trade sa Bilibid.
Pinangakuan din umano ang mga high profile inmates na palalayain sila kapag naging matagumpay ang “magaganap na people power revolution”.
Si Congw. Alonte-Naguiat na dating alkalde ng Biñan bago maging mambabatas ay bestfriend umano ni Kris Aquino sinabi ni Aguirre.
Samantala, itinanggi naman ng Makati City Police n amay naganap na insidente ng pananambang o pamamaril sa kanilang area of jurisdiction kaninang umaga.