Convicted sa kasong kidnapping pero nakalaya rin ilang taon na ang nakalilipas ang isang nagngangalang Marissa Dawis na kapangalan ng kasambahay ng pinatay na Korean national na si Jee Ick Joo.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, nagpakita ng ilang mga prison documents si Sen. Leila De Lima tungkol sa pagkatao ng isang Marissa Dawis.
Nang ipakita ang litrato nito sa ginaganap na pagdinig sa Senado ay kinumpirma ni Philippine National Police Anti-Kidnapping Group Director Glenn Dumlao na ang babae sa dokumentong hawak ni De Lima ay si Dawis na dating kasambahay ng pinaslang na Koreano.
Magugunitang si Dawis ay pumasok bilang katulong ng pamilya ni Jee isang araw bago ito dinukot at pinatay ng mga hinihinalang miyembro ng PNP noong October 18, 2016.
Sa kanyang naunang testimonya, sinabi ng pangunahing suspek sa krimen na si SPO3 Ricky Sta. Isabel na pinalaya niya si Dawis at binigyan pa ng P1,000 nang kunin ng kanilang grupo si Jee pero itinanggi niya na naging bahagi siya ng pagpatay sa naturang Koreano.
Kaugnay nito, inirekomenda ni Sen. Ping Lacson, Chairman ng komite na imbestigahan rin ng PNP ang nasabing kasambahay.