Inaasahang ipapatigil na ng liderato ng Kamara ang period interpellation and debate para sa panukalang ibalik ang parusang kamatayan sa sesyon mamayang hapon.
Ayon kay House Majority Leader Rodolfo Fariñas, kung muling kukwestyunin ng anti-death penalty congressmen ang quorum at ipapa-adjourn ang sesyon ay kakatigan niya ito.
Subalit magmomosyon aniya siya na putulin at ihinto na rin ang interpelasyon at debate kasunod ang mosyon para buksan ang period of amendments.
Kabilang sa mga isusulong na amyenda sa House Bill 4727 ay ang paglilimita lamang sa plunder, rape, treason at drug related cases sa papatawan ng parusang kamatayan.
Sa kabila nito, nilinaw ni Fariñas na sa February 28 pa rin gagawin ang 2nd reading approval sa Death Penalty Reimposition Bill alinsunod sa napagkasunduan sa pinakahuling caucus ng mayorya.
Sinabi ni Fariñas na ipauuwi rin sa mga kongresista ang kopya ng amended bill upang mapag-aralan ito sa weekend bago maisalang sa botohan.
Bibigyan din ng kopya ng Death Penalty Bill ang Commission on Human Rights, Integrated Bar of the Philippines At Free Legal Assistance Group upang makatulong sa pag-review nito.