Ayon kay DFA Sec. Perfecto Yasay Jr., sa Saudi Arabia ay dalawampu’t dalawang Pinoy na ang hinatulan ng kasong murder at isa na may kaugnayan sa drugs.
Sa Malaysia naman, ani Yasay, umabot na sa apatnapu’t isa ang sinentensyahan ng kamatayan kung saan dalawampu dito ay dahil sa kasong drug trafficking.
Parehong dalawa naman ang naitala sa China at United States habang tig-isa sa Kuwait, Indonesia, United Arab Emirates (UAE) at Vietnam.
Bukod dito, nakatakdang magbaba ng hatol ang Court of Appeals sa Kuwait ukol sa death sentenced ng isang Pinay.
Sinabi ni Yasay na ginawa na ng DFA ang lahat ng kanilang makakaya para matulungan ang naturang Pinay sa Kuwait.
Matatandaang noong nakaraang buwan, binitay sa Kuwait ang Pinay Overseas Filipino Worker (OFW) na si Jakatia Pawa dahil sa umano’y pagpatay 22-anyos na anak na babae ng kanyang employer sa pamamagitan ng pananaksak.
Paliwanag ng DFA, hindi nagkulang ang bansa sa pagbibigay ng tulong na legal sa nasabing OFW.