Sa wakas ay natapos na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang mga pagkukumpuning ginawa sa Quezon Bridge sa Maynila.
Inabot ng nasa P77.83 milyon ang halaga ng pagsasa-ayos na ginawa ng DPWH sa isa sa mga pinakamatandang tulay sa Maynila, na tumatawid sa Pasig River at nagkokonekta sa Quiapo at Ermita.
Nagsimula ang rehabilitasyon ng Quezon Bridge noon pang taong 2015 sa ilalim ng administrasyong Aquino.
Ayon kay DPWH Sec. Mark Villar, pinaigting nila ang kaligtasan pati na ang efficiency ng tulay na ito para sa mga motorista sa pamamagitan ng pagpapalit sa mga nasira nang bakal na bahagi nito.
Kabilang aniya sa mga inayos ay ang bahaging naapektuhan ng sunog noong April 2014, na ginawa sa pamamagitan ng sandblasting, installation ng carbon fiber at paglalagay ng epoxy sa deck slab.
Bukod dito ay inaspaltohan na rin nila ang tulay, at inayos na rin ang pintura ng mga steel railings, poste ng ilaw, pylons, parapet walls at sidewalks.
Itinayo ang nasabing tulay sa Quezon Boulevard Extension noon pang taong 1939, at isinailalim ito sa rehabilitasyon dahil sinasabing isa ito sa matinding mapipinsala oras na magkaroon ng malakas na lindol.