“Numero unong kriminal sa buong Pilipinas kung hindi man sa buong mundo”
Ito ang tahasan at direktang tinawag ni Sen. Leila de Lima kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Kasunod ito nang paglantad ni SPO3 Arturo Lascañas, ang kanang kamay ni Pangulong Duterte, at inamin nito ang mga ginawang pagpatay sa pamamagitan ng Davao Death Squad.
“Sa paglantad ni Lascañas, wala na pong natitirang duda na ang atin pong Pangulo ay isang mamatay tao at sociopathic serial killer,” ani De Lima.
Binanggit pa ni De Lima na ang pitong libong katao na napatay sa pitong buwang panunungkulan ni Duterte ay higit pa sa bilang ng mga napatay habang umiiral ang Batas Militar sa bansa sa ilalim ng rehimeng Marcos.
“Ito na rin po ang dahilan kung bakit natin nararansan ang lahat ng kahibangan sa gobyerno sa ilalim ng rehimeng ito na pinagungunahan ng numero unong kriminal sa buong Pilipinas kung hindi man sa buong mundo, walang iba kung hindi si Pangulong Rodrigo Roa Duterte,” dagdag pa ng senadora.
Kasabay nito ang panawagan ni De Lima sa iba’t ibang sektor ng lipunan, kasama na ang mga pulis, sundalo at abogado, na gawin ng tama ang kanilang mga tungkulin.
“Ngayon ay panahon na naman upang tayo ay manindigan at tumayo sa harap ng isang kriminal na diktador at rehimeng mapaniil,” pahayag pa ni De Lima.
Paglilinaw naman ni De Lima, hindi siya naghahamon ng pag aaklas o panibagong People Power kundi nais lang niyang manindigan ang lahat kontra sa mga maling umiiral ngayon sa bansa na tila nakukunsinti pa.
Si De Lima ay inakusahan ng paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 dahil sa umano’y pagkakasangkot nito sa illegal drug trade sa loob ng New Bilibid Prison.
Naghain na ang Department of Justice ng tatlong kasong kriminal sa Muntinlupa court laban kay De Lima.