Ayon kay Senior supt Oliver Enmodias, Directorate for Personnel and Records Management ng Philippine National Police (PNP), sa 53 pulis na nagpunta 34 dito ay mula sa NCRPO, habang ang iba naman ay mula sa iba pang mga lalawigan.
Mula sa NCRPO, inihatid ang mga pulis papunta sa Villamor Air Base para sa naghihintay na C-130 plane na maghahatid naman sa kanila sa Zamboanga, at mula doon ay lilipat sila ng sasakyan papunta naman ng Basilan.
Kinumpiska rin ang kanilang mga baril pero ibabalik din umano ang mga ito sa kanila oras na makarating na sila sa Basilan.
Isang pulis naman na tumanggi nang magpakilala ang nagsabing hindi naman ikinababa ng kanilang pagkatao ang pagpapatapon sa kanila sa Basilan.
Matatandaang dahil sa galit sa pagkakasangkot ng ilang mga pulis sa iba’t ibang kaso o katiwalian, nagdesisyon si Pangulong Rodrigo Duterte na ipatapon ang mga umano’y “police scalawags” sa Basilan upang hindi na makagawa ng kalokohan.
Mga pulis na ipatatapon sa Basilan, umabot lang sa 53 ang bilang mula sa orihinal na bilang na 300 | @jongmanlapaz pic.twitter.com/AVA5DIwABK
— RadyoInquirer990AM (@dzIQ990) February 20, 2017